Pokwang, iniyakan nito ang mga akusasyon tungkol sa diumano ay paglaki ng kanyang ulo, ang kawalan ng utang na loob, ang pagiging ingrata, at ang away nila ni Willie Revillame.
“Ganu’n naman talaga ‘pag alam mo na ang karapatan mo. Alam mo na kung paano ka mangatwiran, at alam mo na kung kailan ka nasasaktan. Kapag lumabas ang boses mo, para sa kanila ang laki na ng ulo mo.
“Siguro kung lumalaki na po ang ulo ko, wala na pong kukuha sa akin na kahit na anong show. Hindi ko po magagawa ‘yon dahil alam ko ang daming naga-guide sa akin,” sabi ni Pokwang.
“Ang dami ko pong kaibigan sa industriya. Pwede akong sabunutan ‘pag ginawa ko ‘yon. Ang dami pong nagtitiwala sa akin. Ang dami ko pang bibigyan ng suporta. Kasi aminin natin na sa trabahong ito ‘pag lumaki ang ulo mo wala ka nang trabaho.”
Anyway, nagulat din si Pokwang sa inilahad ni Linggit Tan, isa sa mga lady boss ng Dos, na ginusto silang ipatanggal ni Willie noon sa Wowowee.
“Sa totoo lang, wala akong ano (galit) kay kuya. Pero, hindi po totoong wala akong utang na loob, na ingrata ako. Marunong po akong tumanaw ng utang na loob. Kaya lang kasi, magsalita ako at hindi, isa lang ang magiging husga sa akin ng mga malalapit sa kanya. Pero nagpapasalamat po ako sa lahat lalung-lalo na sa ABS CBN management na hindi kami pinabayaan dahil alam naman nilang ginagawa lang namin ang trabaho namin,” sabi pa ni Pokwang.
Anyway, narito ang mensahe ni Pokwang kay Willie.
“Nagkasakitan tayo. Nasaktan kita. Nasaktan din ako sa mga nangyayari. Pasensya na kuya (Willie), pero isa lang ang wish ko sa birthday (August 27) ko, mawala na lahat ang mga ito.
“‘Yun taalga ang gusto ko, na makapag-move on na ako, makapagtrabaho na ako ng maayos na wala na akong naririnig na kung anu-anong paratang. Alam ko namang napakaliit ng industriyang ito at one day magkakaharap din tayo,” umiiyak na sambit na lang ni Pokwang.