Paninindigan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mungkahing gawing isang pares na ninong at ninang na lamang ang tatayo sa bawat binyagang magaganap sa Simbahang Katoliko.
Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Family and Life executive secretary Fr. Melvin Castro, nais nilang basagin ang kultura ng ‘godfather politicians’ kung saan sinasamantala ang impluwensya at pulitika sa okasyon ng binyagan.
Dahil network at personal na kagustuhan ang namamayani sa pagkuha ng mga pulitikong ninong o ninang, nawawalan na ng saysay ang tunay na diwa at obligasyon ng mga ito sa isang inaanak.
Aniya, kailangang may personal relationship ang mga ninong at ninang sa mga magulang dahil ang mga ito ang tatayong katuwang ng mga magulang sa pagpapalaki sa anak.
“Mahalaga kasi ang obligasyon na gagampanan ng mga ninong at ninang. Pero papaano ito magagampanan kung hindi naman talaga nila kilala ang mga ninong, dahil kinuha lang sila porke sikat at pulitiko. Sa madaling sabi, network ang habol nila at hindi tatayong pangalawang ama o ina sa kanilang anak,” giit ni Castro.
Binigyang-diin ng pari na malinaw ang mandato sa Canon Law na isang ninong at isang ninang lamang ang itinatakda para sa mga binibinyagan at anumang sosobra rito ay pawang palamuti na lang.
source:abante