Pinaasul sa bugbog ng defending back-to-back champion Ateneo Blue Eagles ang La Salle Green Archers, 74-57, para sa ikaanim na sunod na tagumpay kahapon sa 73rd UAAP men’s basketball competition sa Big Dome.
Nakaamanos ang Blue Eagles sa head-to-head nila ng La Salle sa eliminations ngayong season at naiakyat pa ang hawak na baraha sa 8-2 win-loss slate sa solo second.
“Defensively, I don’t think we did anything different,” ani Ateneo coach Norman Black, na ang tropa ay may 10-3 marka sa paghaharap nila ng La Salle sapul noong 2007.
“I think we did a good job stopping their three-point shooters and defending the perimeter,” dagdag pa ni Black, na ang bataan ay nakasiguro ng playoff para sa semis berth at nakaresbak sa 63-66 loss sa mortal na karibal sa first round.
Sa tindi ng depensa ng Blue Eagles, dalawang triples lamang ang naipasok ng La Salle sa 18 ipinukol, ang pinakamababa ng Green Archers sa season.
Nagpinta si fourth year veteran guard Kirk Long ng 22 points sa 9-of-13 shooting kabilang ang apat na three-pointers para sa Blue Eagles habang gumawa ng career double-double si Art Dela Cruz sa isinubing tig-10 points at rebounds.
Sa unang dalawang canto pa lamang ay dinesisyunan na ng Katipunan-based squad ang laban nang magpaimbulog ang Blue Eagles ng 25-2 run na nagpabalikwas sa kanilang mabagal na 4-9 simula tungo sa komportableng 29-11 lead may 7:08 sa second period.
Pinakamalapit na naibaba ng Green Archers ang kanilang pagkakatambak, 25-39, sa simula ng third quarter ngunit muling lumayo ng milya-milya ang Blue Eagles, 55-29, sa magkasunod na tres at layup ni Long may 4:27 sa ikatlong canto.
Tanging si Jovet Mendoza lamang ang may magandang gising sa buong La Salle, nananatili sa ikaapat na spot sa 6-4 record, nang magtapos ng nag-iisang double-figure scoring sa ipinasak na 20 points.
Samantala, nadala pa sa protesta ang kontrobersyal na panalo ng National U Bulldogs kontra University of the Philippines Fighting Maroons, 61-59, sa unang laro.
Pumirma si UP team captain Magi Sison sa stat sheet upang iprotesta ang ikaapat na panalo ng Bulldogs sa 10 salang.
Naghahabol ang Maroons, 59-60, may 2.4 segundo sa laro, sumablay ang dalawang charities ni Dionisio Hipolito ng UP bago mahugot ni Jewel Ponferrada ng NU ang rebound at madala sa foul line may 1.2 tikada na lang.
Naipasok ni Ponferrada ang una niyang foul shot bago mamintis ang ikalawa. Sinubukan ng UP na makapuwersa ng jumpball sa sadyang lane violation sa mintis. Apat na beses na intensyunal na isinablay ni Ponferrada ang kanyang mga substitute freethrows sa mga sadyang lane violations ng Maroons bago i-let go ng mga referee ang ikalima niyang mintis sa kabila ng illegal na pagpasok muli ng UP players sa gitna ng foul lane.
Wala pang panalo ang UP sa 10 laro sa season.
source:abante