Pormal nang nagsampa ng reklamo sa korte ang TV host na si Willie Revillame laban sa ABS-CBN kaugnay ng pagkakatanggal niya at ng noontime show niyang Wowowee sa ere noong July 31.
Mahigit-kumulang P11.5 million ang hinihinging danyos-perwisyo ni Willie sa formal complaint na isinampa niya sa Quezon City Regional Trial Court noong hapon ng Biyernes, August 20.
Ngayong Lunes, August 23, ay nai-raffle na ang kaso sa sala ni Judge Luisito Co ng Branch 84, ayon sa lawyer ni Willie na si Atty. Leonard de Vera.
Sa pamamagitan ng nasabing formal complaint, hiniling ni Willie sa korte na bigyan ng "judicial confirmation" ang pagpawalang-bisa ng kontrata niya with ABS-CBN, na matatapos pa sa September 2011.
Ang hakbang ay ginawa ni Willie matapos umanong talikuran ng ABS-CBN ang pangako nito sa kanya na siya'y pababalikin sa Wowowee noong July 31. Sa halip daw kasi na pabalikin siya ay pinalitan ang programa ng Pilipinas, Win na Win! noong July 31 din.
Ang nasabing kasunduan ay personal daw umanong ipinarating ng ABS-CBN executives na sina Ms. Charo Santos-Concio (President) at Ms. Linggit Tan (SVP for entertainment TV) kay Willie sa ilang mga meeting. May mga dokumento raw na magpapatunay sa kasunduan, partikular umano ang job order ng ABS-CBN sa mga tauhan nito, tulad ng mga karpintero, para ihanda ang bagong set ng Wowowee bago mag-July 31.
Pero mariin namang pinabulaanan ng ABS-CBN sa isang statement noong August 20 na nagkaroon nga ng ganitong kasunduan.
Sa kanyang isinampang reklamo, naglatag si Willie ng hindi bababa sa sampung halimbawa ng paglabag umano ng ABS-CBN sa kontrata. Kasama na rito ang pagsuspinde raw sa kanya ng ABS-CBN nang walang bayad, at ang pagbibigay sa kanya ng isang "pre-recorded" weekly TV program kapalit ng Wowowee.
Hinayaan din daw umano ng network ang ilang mga show nito na magbigay ng "hayagang paninira" sa pagkatao ni Willie. Pinuna rin ng TV host ang paglalagay umano sa kanya sa "probationary status," at sa pagtanggal ng oportunidad na siya'y kumita mula sa "in-show" advertisements.
Sinabi naman ni Willie na handa siyang isantabi ang isinampang reklamo kung magkakaroon sila ng ABS-CBN ng matiwasay na paghihiwalay ng landas.
Humigit-kumulang limang taon ding pinagharian ni Willie ang Wowowee sa ABS-CBN, bago ito napalitan ng Pilipinas, Win Na Win!, na hinu-host nina Kris Aquino at Robin Padilla.
Ang pagkawala ng Wowowee ay bunsod ng isang insidente kung saan nagkaroon ng "outburst" si Willie sa live episode ng Wowowee noong May 4. Pinagbantaan niya ang ABS-CBN na magre-resign siya mula sa show kung hindi aalisin sa network ang showbiz commentator na si Jobert Sucaldito.
ABS-CBN STATEMENT. Kinunan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ng reaksiyon ang ABS-CBN tungkol sa paghahain ng reklamo ni Willie laban sa kanila.
Ayon sa text message na ipinadala ng Corporate Communications head ng ABS-CBN na si Mr. Bong Osorio sa PEP ngayong hapon, August 23, hindi pa nila natatanggap ang kopya ng kasong isinampa ni Willie. Agad daw silang magbibigay ng pahayag kapag nakuha na nila ang detalye ng kaso.
Pero diin ng ABS-CBN, "If it is about his contract with ABS-CBN, we would like to reiterate that Willie was the one who violated the behavioral provisions of his contract and thus has no right to have it unilaterally invalidated."