MANILA, Philippines - Pinayagan na kahapon ng Department of Justice (DOJ) ang Hong Kong investigators na pumasok sa imbestigasyon kaugnay sa naganap na madugong hostage drama sa Luneta Grandstand noong Agosto 23.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima, na siya ring pinuno ng Incident Investigation and Review Committee, sinimulan sa pag-iinspeksyon sa Hong Kong Thai Travel tourist bus ang ginawa ng mga Hong Kong forensic experts.
Ayon Sec. de Lima, hindi pa umano natatapos ang imbestigasyon at final report ng investigation team ng mga awtoridad sa Pilipinas at inaasahang matatapos ito sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo kaya limitado muna ang puwedeng imbestigahan ng HK police.
Nilinaw pa ng DOJ chief na ang maari munang siyasatin ng Hong Kong police ay ang bus at mananatili ang Pilipinas na in-charge sa ginagawang pagsisiyasat kaugnay sa hostage incident
Nagsagawa pa din ang Philippine National Police-Scene of the Crime Operations (PNP-SOCO) at National Bureau of Investigation (NBI) ng imbestigasyon sa mga bullet trajectory examination, reconstruction at iba pang pagsusuri sa bus.
Nabatid na nakipagpulong na rin si De Lima sa mga kinatawan ng Chinese at Hong Kong authorities upang sabihan sila tungkol sa naturang usapin at upang talakayin na rin ang protocol sa ginagawang imbestigasyon.
Ipinaliwanag pa ni de Lima kung sakali umanong kailangan ang HK authorities sa iba pang aspeto ng imbestigasyon nito ay maari lang itong ipadaan sa komite kapag nasimulan na ang formal proceedings.
Idinagdag pa ng Kalihim na sa loob ng linggong ito ay kukunin nila ang lahat ng available writtern reports mula sa PNP, SOCO at NBI at sa Miyerkules ay iimbitahan at kukunan ng pahayag ang ilang resource persons, testigo, mga sangkot sa negotiation process at media personalities na nakausap ng hostage-taker na si Sr. Insp. Rolando Mendoza bago ito napatay.
Bukod sa mga nabanggit, susuriin din ng DOJ ang mga statement at aalamin kung sino pa ang ibang resource person na maaring ipatawag kapag nasimulan na ang formal proceedings at dito hindi na maaring payagan ang Hong Kong authorities na makialam subalit maari pa rin silang mag obserba.
Nabatid na nais nang magsimula ang HK authorities ng kanilang imbestigasyon sa insidente ng bigla na lamang dumating ang mga ito sa Camp Bagong Diwa kung saan nandoon ang bus subalit hindi sila pinayaga ng PNP dahil kailangan pa silang kumuha ng permiso mula sa DOJ bago makialam sa imbestigasyon
source;phil star