MANILA, Philippines - Libu-libong Pinoy at Hong Kong nationals ang nagkaisa kahapon sa inihandang malaking prayer vigil at candle lighting upang hilingin ang hustisya sa mga biktima ng Manila hostage-taking noong Agosto 23.
Tinataya na may 50,000 katao ang nakiisa sa isang araw na pagtitipon na tinawag na “A Day of Symphaty and Reflection, A Day of Solidarity and Justice” na idinaos sa Chater Road, Central Hong Kong dakong alas-10 ng umaga hanggang alas-7 kagabi.
Isa sa mga dumalo sa cross-party rally ay si HK Chief Executive Donald Tsang na unang nagpahayag ng pagkondena sa pagkasawi ng mga HK hostages.
Ayon sa Konsulado ng Pilipinas, nagpakalat sila ng text messages para sa mga Filipino community at mga OFWs na pansamantalang iwan ang kanilang ginagawa at dumalo sa pagtitipon upang maipakita sa buong mundo ang pagkakaisa na maipakita na nalulungkot din sila sa nangyaring hostage-taking na ikinasawi ng 8 HK nationals.
Una nang sinabi ni Consul General Claro Cristobal ng Philippine Consulate sa Hong Kong na nagbanta pa ang mga opisyales at mamamayan ng HK sa mga nakatakda pa nilang mga kilos-protesta laban sa Pilipinas dahil sa anila’y nakakadismayang hostage crisis.
Bunga nito ay nakipag-usap na si Cristobal sa mga HK protesters kasama ang ilang HK legislators upang tiyakin na handa ang pamahalaan ng Pilipinas na dinggin ang kanilang hinaing at kahilingan at isa na ang pagbibigay ng seguridad sa mga dayuhan o turista na tumutungo sa bansa.
Hinihiling din ng HK at Chinese government na magkaroon ng patas at malalimang imbestigasyon sa nasabing Manila standoff.
phil star