MANILA, Philippines - Inako kahapon ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga pagkakamali ng pulisya sa naganap na madugong August 23 hostage crisis kung saan ay 8 Hong Kong tourists ang nasawi.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa chance interview matapos itong dumalo sa pagbubukas ng Convergy’s sa SM San Lazaro sa Maynila, handa niyang ‘akuin’ ang lahat ng responsibilidad sa naging kapalpakan ng gobyerno at pulisya sa pagresolba sa madugong hostage taking noong Agosto 23 sa Quirino Grandstand.
Wika pa ng Pangulo, bilang chief executive ay hurisdiksyon din niya ang Philippine National Police (PNP) bilang commander-in-chief kaya inaako niya ang responsibilidad sa kapalpakan ng pulisya sa paghawak sa hostage crisis.
Ayon kay Aquino, dapat magsilbing wake-up call sa security agencies ng gobyerno ang kapalpakan sa hostage crisis dahil malaking dagok ito sa bansa.
Aniya, kung naging matagumpay lamang ang pagresolba sa hostage crisis noong Agosto 23 ay dapat pinalakpakan tayo ng buong mundo at naging kampante ang mga investors.
Pinuri naman ni Sen. Francis Escudero si P-Noy sa pag-ako sa kapalpakan ng PNP sa paghawak sa hostage crisis.
Nauna rito, inako din ni DILG Undersecretary Rico Puno ang responsibilidad sa ginanap na kauna-unahang imbestigasyon ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) na pinamumunuan ni Justice Secretary Leila de Lima.
Sinabi ni Usec. Puno sa IIRC na wala siyang training sa paghawak sa mga hostage crisis kaya inaako niya ang full responsibility sa naging kapalpakan ng pulisya sa paghawak ng August 23 Manila hostage incident.
Inamin din ni Puno na ikinunsidera ni Pangulong Aquino na magtungo sa hostage incident upang kausapin ang hostage-taker subalit pinigilan nila ito ni Executive Secretary Jojo Ochoa.
Ayon kay Puno, inaasahan niyang magiging matagumpay ang negotiation kay Sr. Insp. Rolando Mendoza dahil nagpapalaya pa ito ng mga bihag.
Inamin din niya sa komite na ang pag-aresto ng pulisya sa kapatid ng hostage-taker ang naging mitsa ng pagiging bayolente nito.
Ayon naman kay PNP chief Jesus Verzosa sa pagharap nito sa IRRC na ang statement ng bus driver na sinasabing pinatay na lahat ni Mendoza ang mga bihag ay naging batayan ng mga ground commanders para matiyak na wala ng planong sumuko ang hostage-taker kaya sinimulan na nila ang pag-atake.
Sinabi din ni Verzosa na maaga na siyang magreretiro sa PNP tulad ng kanyang naunang pangako sa buwan na ito.
Sinabi naman ng IIRC member na si Atty. Roan Libarios na dapat baguhin ang protocol sa mga hostage crisis lalo kapag foreign nationals ang sangkot.
Wika pa ni Libarios, dapat itaas sa national level ang paghawak sa sitwasyon kapag foreign nationals na ang sangkot.
Bukod kay Sec. de Lima ang miyembro pa ng IRRC ay sina DILG Sec. Jesse Robredo bilang vice-chairman; Teresita Ang-See bilang kinatawan ng Fil-Chinese community, Kapisanan ng Brodkaster sa Pilipinas president Herman Basbano bilang kinatawan ng media at Integrated Bar of the Philippines governor for Eastern Mindanao Roan Libarios bilang kinatawan ng legal community.
Nagmasid din sa paunang clarificatory questioning ng IRRC ang mga kinatawan mula sa Hong Kong police at prosecutor.
by;phil star