MANILA, Philippines
- Pinawi ng UP ang di magandang ipinakikita sa UAAP basketball nang makopo nila ang titulo sa Cheerdance competition na idinaos kahapon sa Araneta Coliseum.
Hiniya ng Pep squad ng Maroons ang hamon ng nagdedepensang FEU at makailang ulit na kampeon na UST nang tawagin ang kanilang pangalan bilang pinakamahusay na performer sa walong koponang nagtagisan.
Ito ang ikaanim na titulo sa nasabing kompetisyon ng UP at ang panalo ay nagbigay din ng pabuyang umabot sa P340,000 bukod pa sa tig-iisang Samsung Champ cell phones.
Higit sa premyong ito, ang tagumpay ng UP na pumangatlo lamang noong nakaraang taon ay tumabon sa masamang kampanya sa larangan ng basketball ng State University nang tumapos sila ng 0-14 sa seniors at juniors na tagisan.
Halagang P200,000 naman ang pakonsuwelong natanggap ng host FEU habang ang UST ay nakabalik uli sa medal winners matapos mawala noong 2009 season bukod sa pagsungkit ng P140,000.
Umabot sa 22,000 tao ang sumaksi sa kaganapang suportado ng Samsung Philippines na naggawad din kay Nikka De Dios bilang Samsung Stunner na isang special award para sa kasapi ng koponang may pinakamagandang mukha.
Tumanggap si De Dios ng La Salle ng ST503 unit na cellphone bilang pabuya.