MANILA, Philippines - Bukas pa ang National Chess Federation of the Philippines na isama pa si Grandmaster Joey Antonio sa Pambansang delegasyon na tutulak sa Asian Games sa Guangzhou, China.
Ayon kay NCFP executive director Willie Abalos, hindi pa tuluyang sarado ang isipan ng asosasyon na tanggalin na ng tuluyan si Antonio na sinibak sa World Chess Olympiad sa Russia dahil hindi ito bumalik mula US upang lumahok sa 1st Florencio Campomanes Memorial Cup.
“May posibilidad na mangyari iyan. Pero ang lahat ay nakadepende sa NCFP board,” ani Abalos.
Idinagdag pa ni Abalos na hindi pa naman ipinararating ng NCFP na pinamumunuan ni Prospero Pichay sa Philippine Sports Commission (PSC) ang desisyon na tuluyang sibakin sa national team si Antonio kaya’t may malaking tsansa na makabalik siya sa koponang lalaro sa Asian Games.
Humalili kay Antonio na board two player ng bansa si IM Richard Bitoon at malamang na sipatin muna ng NCFP ang ipakikita ni Bitoon bago magdesisyon kung talaga bang tutuluyan si Antonio.
Nasabi na ni Pichay na kailangang mapatawan ng kaparusahan si Antonio upang maipakita sa lahat ng chess player na higit sa husay sa paglalaro at dapat angkin ng isang national player ang disiplina.
Nagpahayag naman si PSC chairman Ricardo Garcia na hindi agad nila kakatigan ang NCFP sa desisyon na agarang tanggalin si Antonio ng walang sariling imbestigasyon.
Si Antonio ay isa sa mga special elite athletes na kinuha ni dating PSC chairman Harry Angping at siya ay tumatanggap ng P20,000 buwanang sahod sa komisyon.