MANILA, Philippines
- Bagaman sila’y nahaharap sa bingit ng kabiguan sa Linggo, iginiit ni head tactician Roger Gorayeb na hindi pa huli ang lahat para makabalik ang kanyang San Sebastian College-Excelroof sa kanilang best-of-three Finals showdown ng Adamson University para sa korona ng ikalawang conference ng Shakey’s V-League Season 7.
Nasasadlak ang Lady Stags sa 0-1 na pagkakalugmok sa kanilang serye kontra Lady Falcons matapos silang mabigo sa Game One noong Huwebes sa loob ng limang sets.
Ngunit para magawa ang kanilang pagbangon, sinabi ni Gorayeb na kinakailangan nilang paigtingan ang kanilang depensa at maging mas agresibo pa sa kanilang pag-atake upang mapigilan ang Adamson na maangkin ang titulo sa Linggo at maipilit ang sudden death Game Three sa Huwebes.
“We really need to work a little harder and put more effort than what we did in Game One,” giit ng SSC-R mentor. “If we could do these things and play with more heart, we’ll have a chance to win it.”
Naging malamya ang panimula ng Recto-based spikers sa unang dalawang sets na naging resulta upang maiwan sila ng mga taga-San Marcelino, 25-13 at 25-17. Naagaw nila ang ikatlong set ngunit muntik ng matalo ng makabangon ang Lady Falcons mula sa 20-24 na kalamangan.
Kinuha rin nila ang ika-apat na set, 25-21 para makapuwersa ng deciding fifth set na kung saan nakuha nila ang maagang 5-3 na bentahe ngunit nabigo matapos matawagan ng sunod na errors na kinapitalisa naman ng Adamson.
Bukod sa pagiging mas agresibo, kinakailangan ring masolusyunan ng Lady Stags ang matinding net defense ng Lady Falcons na pinangungunahan nila three-time Best Blocker Michelle Laborte at Pau Soriano, isa ring Best Blocker awardee, na nagsalo sa 11 blocks sa Game One.
Tatlong beses ng pinatikim ng pagkatalo ng Adamson ang San Sebastian sa conference na ito na lahat ay umabot sa five sets at nagtatangkang ipalasap sa Lady Stags ang ika-apat sa Linggo upang angkinin ang kanilang ikalawang korona sa ligang iniisponsoran ng Shakey’s Pizza.