MANILA, Philippines - Iba man ang komposisyon ng koponan sa taong ito ay hindi naman nabawasan ang tikas ng Philippine Patriots na hangad na matuhog ang ikalawang sunod na ASEAN Basketball League title.
Ang MVP na si Warren Ybañez, Erwin Sta. Maria at JP Alcaraz ay magbabalik mula sa koponang nagkampeon sa unang edisyon at sila ay masasamahan ng siyam na dating PBA players na sasandalan para sa isa pang mabungang kampanya sa regional league na suportado ng AirAsia.
“We know the players we got and they’re all talented,” wika agad ni team manager Erick Arejola sa koponang hahawakan ni coach Louie Alas at assistant coach Glen Capacio.
Si dating Sta. Lucia Realty import Anthony Johnson ay sasamahan ng mga ex-pros na sina Alex Crisano, Jun Cabatu, Orly Daroya, Allan Salangsang, Egay Billones, Chito Jaime, Benedict Fernandez at Kelvin Gregorio.
Hinugot din si Allein Maliksi na dating naglaro sa UST habang ang 6’11” import na si Donald Little ang kukumpleto sa koponan.
Sa pagtutulungan nina Ybanez, Noy Baclao, Elmer Espiritu at mga imports na sina Jason Dixon at Gabe Freeman ay nagkampeon ang Patriots sa unang taon ng liga nang talunin ang Satria Muda BritAma ng Indonesia.
Ang mga manlalarong ito ay wala na dahil sina Baclao at Espiritu ay maglalaro na sa PBA habang may ibang paglalaruan sina Dixon at Freeman.
Makikilatis ang lakas ng koponan sa pagbangga sa Brunei Barracudas sa kanilang unang laro sa Oktubre 3 sa Ynares Sports Center sa Pasig City.