MANILA, Philippines - Malabo umanong makapasa ang panukala ni Senador Jinggoy Estrada na gawing legal ang jueteng dahil ngayon pa lamang ay marami ng senador at kongresista ang nagpahayag na nang pagtutol dito.
Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, anim na se nador at apat na mambabatas na ang kumausap sa kaniya at nagsabing huwag niyang suportahan ang legalisasyon ng jueteng.
Tumanggi naman ang arsobispo na pangalanan ang mga ito sa pangambang “ipapatay” ng mga jueteng lords.
Kumpiyansa rin ito na marami pang mga mambabatas ang haharang sa panukala upang hindi ito makapasa.
Kasabay nito, pinayuhan ni Cruz si Pangulong Aquino na maging maingat at huwag basta patangay at paimpluwensiya sa ganitong mga panukala.
Iginiit ni Cruz na ang pagpapasa ng naturang panukalang gawing legal ang jueteng ay indikasyong “inutil” ang pamahalaan na sugpuin ang naturang illegal na sugal.
Posible rin aniyang magbigay-daan ito upang maging legal na rin ang iba pang mga illegal na sugal tulad ng masiao, swertes, ball 2 at iba pa.
phil star