MANILA, Philippines - Masuwerteng nakaligtas ang tropa ng mga sundalo sa dalawang magkakasunod na insidente ng roadside bombing ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa lalawigan ng Sorsogon, kamakalawa at kahapon ng tanghali.
Ayon kay Army’s 9th Infantry Division (ID) Spokesman Major Harold Cabunoc, naganap ang unang insidente sa Brgy. Buenavista, Irosin, Sorsogon , pasado alas-8 ng umaga.
Kasalukuyang bumabagtas sa lugar ang tropa ng Army’s 49th Infantry Battalion (IB) matapos ihatid ang mga mediamen nang pasabugan ng Improvised Explosive Device (IED) ng mga rebeldeng komunista.
Masuwerte namang hindi nasapul sa pagsabog ng bomba ang military vehicle at ligtas na nakabalik ang mga sundalo sa kanilang himpilan.
Sa isa pang insidente, dakong alas-12 naman ng tanghali nitong Lunes ng muling magpasabog ng bomba sa highway ang mga rebeldeng komunista habang dumaraan ang mga sundalong miyembro ng 49th IB sa Brgy. Botol, Casiguran, Sorsogon.
Nakaligtas sa insidente ang mga sundalo dahilan hindi ito nasapul sa pagsabog bagaman nauntog at nagtamo ng bukol sa ulo ang isa sa mga ito sa lakas ng pagsabog kung saan ay bahagyang napinsala ang sinasakyan ng mga itong KM 15O Army truck.