MANILA, Philippines - Nagpamalas uli ng katatagan ang FEU upang maitakas ang 84-80 panalo sa La Salle na umabot sa dalawang overtime sa pagpapatuloy ng 73rd UAAP men’s basketball kahapon sa Araneta Coliseum.
Isinantabi ni Ryan Roose Garcia ang masamang shooting sa pagpapasabog ng 18 puntos kasama nga ang panablang lay-up buhat sa kanyang steal sa regulation para mapalawig ng Tamaraws ang winning streak sa limang sunod.
Maraming kakampi naman ang tumulong kay Garcia tulad nga ng bagitong 6’4 forward na si Bryan Cruz na nagdagdag ng 16 puntos habang sina Paul Sanga at Pipo Noundou ang siyang nanalasa sa second overtime na kung saan tuluyang kinuha ng Tamaraws ang momentum sa labanan.
Ibinuhos ni Sanga ang lahat ng apat na puntos sa unang dalawang opensa ng FEU sa ikalawang overtime habang nakumpletong 3-point play naman ang ibinigay ni Noundou para itulak ang FEU sa 81-76 bentahe.
Isang fade away jumper pa ni Garcia ang nag-akyat sa bentahe ng koponan sa pito, 83-76, para maselyuhan ang tagumpay..
Nalaglag naman sa ikalawang kabiguan sa limang laban ang Archers na minalas na hindi kinaya ang endgame pressure.
Sa ikalawang laro ay nanalo naman ang UST sa NU, 59-58 upang makasalo ang La Salle sa ikatlong puwesto sa 3-2 baraha.
Angat pa sila ng dalawang puntos,68-66, at nasa kanila ang bola may 13.9 segundo ngunit masama ang inbound ni Maui Villanueva para kay Simon Atkins at naagaw ito ni Garcia tungo sa solo-lay-up at maselyuhan ang 68-all sa regulation.
Nakauna ang FEU sa second overtime at ang buslo nga ni Garcia ay nagbigay ng 74-72 sa Tamaraws.
FEU 84--Garcia 18, Cruz 16, Noundou 14, Cervantes 12, Ramos 5, Bringas 4, Cawaling 4, Exciminiano 4, Sanga 4, Romeo 3, Knuttel 0, Mendoza 0.
DLSU 80--Webb 17, Marata 16, Andrada 13, Villanueva 11, Tolentino 7, Atkins 5, Dela Paz 4, Paredes 4, Mendoza 3, Ferdinand 0, Tampus 0, Vosotros 0.
Quarterscores: 17-14; 30-38; 51-53; 68-68; 74-74; 84-80.
UST 59--Afuang 15, Bautista 14, Camus 11, Teng 6, Fortuna 6, Pe 4, Mariano 3, Aytona 0, Daquioag 0, Lo 0, Mamaril 0, Tinte 0, Wong 0.
NU 58--Ponferrada 12, Baloran 11, Mbe 10, Terso 8, Hermosisima 6, Ludovice 4, Tungcul 3, Javillonar 2, Tungcul 2, Eriobu 0, Ignacio 0.
Quarterscores: 13-10; 22-25; 38-41; 59-58.