(UPDATE):Edu Manzano signed on Wednesday an exclusive contract with GMA Network. His upcoming game show with the Kapuso Network is entitled Asar Talo Pero Laging Panalo!
Bukod kina Edu at manager niyang si Ms. June Torrejon, present sa contract signing sina GMA Network Chairman, President and CEO Felipe L. Gozon; COO Gilberto R. Duavit, Jr; at Senior Vice President for Entertainment Wilma V. Galvante.
Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules, sinabi ni Edu na masaya siya sa pagbabalik niya sa GMA 7 at sa ipinakitang suporta sa kanya ng network.
Bago si Edu, ilan pa sa mga naunang nagbalik sa bakuran ng Kapuso ay ang funny man na si Bayani Agbayani, at award-winning actor na si Cesar Montano. Isa na ring Kapuso si Claudine Barretto.
Sinabi ni Edu na nang matapos ang May 10 elections ay na-involve siya sa isang private company pero hindi raw niya matanggihan ang alok ng GMA 7. Natutuwa daw siya dahil pinapayagan siya ng production team na makapagpasok ng kanyang ideas sa hahawakan niyang game show.
"Pinag-isipang mabuti, masayang programa pero hindi ako sasayaw dito," natatawang pahayag ni Edu.
Sinabi ni Atty. Gozon na masaya at natutuwa sila sa pagbabalik-Kapuso ni Edu. “Of course we are very very glad because, let me call him Edu, he is really very good not only as a host an actor also."
Dagdag naman ni Mr. Duavit: “We are very proud and very pleased na si Edu ay Kapuso muli, malaking bagay (ang pagbabalik niya)."
Inihayag ni Ms Galvante na mapapanood ang programa ni Edu na Asar Talo Pero Laging Panalo! sa darating na Setyembre.