Tutulungan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nag-video sa pag-torture diumano ni Sr. Insp. Joselito Binayug sa isang pinaghihinalaang holdpaer para malibre sa kaso kapalit ng kanyang pagtestigo.
Ito ang tiniyak ni Buhay partylist Rep. Irwin Tieng kaugnay ng pangambang balikan ito ng pulisya ng kasong paglabag sa Republic Act 9995 o Anti-Cyber Boso Law.
Ayon kay Tieng na siyang pangunahing may-akda sa nasabing batas, mahigpit na ipinagbabawal ang ilegal na pagkuha ng video at pagpapakalat nito kaya maaaring makasuhan si Emil (alyas ng tipster) at kaibigan nito.
Gayunpaman, sinabi ni Tieng na kanilang kakanlungin si Emil at kaibigan para malibre sa kaso kapalit ng kanyang paglantad at pagtestigo laban sa mga pulis na nasa likod ng torture video.
“I assure them that because they used the video to expose a crime, they will not be penalize under Republic Act 9995,” pahayag ni Tieng kaya umapela ito kina Emil na lumapit sa Kongreso sa lalong madaling panahon.
Samantala, siniguro kahapon ni presidential communications Sec. Ricky Carandang na pursigido ang Malacañang na maparusahan ang mga pulis na nasa likod ng kalunus-lunos na pag-torture sa isang holdup suspect sa loob mismo ng presinto.
Nabatid na nakatutok ang palasyo sa usapin at sa ngayon ay kuntento umano sila sa tinatakbo ng imbestigasyon ng pulisya.