Hindi pa malinaw kung sino ang nakapatay sa hostage taker na si Senior Inspector Rolando Mendoza.
Sa paliwanang ni Department of Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo kahapon sa isinagawang ocular inspection at reenactment ng mga kasapi ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) sa nangyaring hostage-taking sa may Luneta Grandstand noong Agosto 23, sinabi nito na base sa mga butas na malapit sa kinatatayuan ni Mendoza ay hindi pa malinaw kung sino ang nakabaril dito, kung sniper ba o tauhan ng SWAT o mga tauhan ng Manila Police District dahil na rin umano sa dami ng butas na tama ng bala ng iba’t ibang armas sa Hong Thai Travel bus.
Pinangunahan ni Department of Justice (DOJ) Sec. Leila De Lima, Robredo at National Bureau Investigation (NBI) Director Magtanggol Gatdula at si Teresita Ang See, kinatawan ng Chinese-Filipino Community ng IIRC ang isinagawang reenactment sa loob ng nasabing bus, kasama ang driver na si Alberto Lubang, kung saan ikinuwento nito ang nangyari sa loob ng bus habang nasa kasagsagan ng hostage-taking.
Dakong alas-2:20 ng hapon nang sabay-sabay na dumating sa National Capital Region Police Office– Logistic Support Service Office sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang mga miyembro ng IIRC kasama ang ilan pang miyembro ng NBI.
Dito, muling pinaupo sa driver seat si Lubang at pinosasan sa manibela ng bus. Napag-alaman na ipinosas ng hostage taker noon si Lubang at nang magkaputukan na, kinalikot umano nito gamit ang nail pile ang kanyang posas hanggang sa makawala.
Ipinakita rin ni Lubang sa loob ng bus sa mga mi-yembro ng IIRC ang aktong ginagawa ni Mendoza sa mga turistang bihag.
Habang nakaupo siya sa bus, nakatayo naman umano si Mendoza at itinututok ang hawak na armalite sa mga pasahero at pinagbabaril nito ang mga nasa unahan.
Sinabi pa ni Lubang na palakad-lakad si Mendoza sa loob ng bus nang ito’y unang nagpaputok sa loob.
Pinaupo rin sa loob ng bus ang taga-NBI at batay sa pagsasadula ni Lubang, ang mga nakaupo sa kanan ng hostage taker ay inisa-isang pinagbabaril ni Mendoza.
Dakong alas-4:40 ng hapon nang matapos ang reenactment at ocular inspection. Dito inihayag ni De Lima na magpupulong ang miyembro ng IIRC at mga forensic expert para ipunin ang lahat ng ebidensyang nakalap.
Hindi naman nagbigay ng konklusyon si De Lima sa resulta ng reenactment at ocular inspection at hinihintay rin nila ang report ng kinatawan ng pamahalaan sa Hong Kong na nag-imbestiga rin sa mga nakaligtas na Hong Kong nationals.
source abante