MANILA, Philippines - Nagbanta ang mga obispo ng Simbahang Katoliko na pangungunahan nila ang civil disobedience campaign sakaling isabatas ng gobyerno ang kontrobersiyal na reproductive health (RH) bill.
Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) public affairs unit head, Caloocan Bishop Deogracias Iñiguez Jr., pangungunahan aniya nila ang panawagan sa publiko na huwag sundin ang nabanggit na batas.
Naniniwala si Iñiguez na malaki ngayon ang tsansa na maipapasa ng Kongreso ang RH bill kasunod ng pahayag ng Pangulong Benigno Aquino na suportado nito ang artificial birth control.
Giit pa ni Iniguez na malaking kasalanan kung susunod ang Simbahang Katoliko sa RH law. Aniya, igigiit nila ang kanilang posisyon at moral stand ng Simbahan.
Muling pinaalalahanan ni Iñiguez ang pamahalaan na hindi sagot sa kahirapan ang contraceptive. Ang pagiging responsableng magulang ang sagot sa pagdami ng mga Filipino.
Kaugnay nito, nanawagan din si CBCP President Nereo Odchimar kay Pangulong Aquino na ibasura na ang kasalukuyang polisiya na nagpo-promote ng artificial contraception upang mapigilan ang paglobo ng populasyon.
PHIL STAR