MANILA, Philippines - Malaki ang posibilidad na ma-excommunicate mula sa Christian community si Pangulong Noynoy Aquino kung itutuloy nito ang planong pamimigay ng contraceptives.
Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President at Tandag Bishop Nereo Odchimar, maraming grounds ang excommunication o pagtitiwalag mula sa Christian community at isa na rito ang aborsiyon, na palaging kakabit ng artificial family planning.
Ang pamimigay naman aniya ng contraceptive ay ‘accessories’ sa krimen ng aborsiyon, ngunit sa ilalim ng ilang kondisyon.
Kasabay nito, pinayuhan pa ni Odchimar si PNoy na bilang pangulo ng lahat, dapat ding ikonsidera nito ang posisyon ng Simbahang Katoliko lalo na’t ang moral na as peto ng naturang isyu ang panig nila.
Nanindigan pa si Odchimar na ang aborsiyon ay isang krimen na may kaakibat na excommunication at paglabag sa utos ng Diyos.
Sa kabila naman nito, sinabi ni Odchimar na bukas sila sa pakikipagdayalogo sa pangulo hinggil sa naturang isyu.
Binigyang-diin pa nito na hindi populasyon kundi graft and corruption ang sanhi ng kahirapan sa bansa.
Tiniyak naman ni Health Secretary Enrique Ona na patuloy na mamimigay ng mga artificial contraceptives ang DOH sa mga mag-asawang nais na magkontrol ng pamilya, sa pamamagitan ng kanilang mga health centers sa buong bansa.
phil star