Hinamon ng isang Katolikong organisasyon si Pangulong Benigno Aquino III na ilantad sa publiko ang umano’y kasunduang pinasok sa gobyerno ng United States sa katatapos na pagbisita sa nasabing bansa.
Ang pahayag umano ni Aquino sa San Francisco na bibigyan ng kanyang gobyerno ang mahihirap na mag-asawa ng contraceptive para mabawasan ang populasyon sa bansa ay sinisilip ng Pro-Life Philippines na pagpapadikta ng Pangulo sa utos ng Amerika.
Sa pulong ng Pro-Life Philippines, 15 kinatawan ng mga lay organizations ang nagkasundo na hilingin kay Pangulong Aquino na ilahad ang kasunduang isinara sa pagitan ni US President Barack Obama at sa gobyerno ng Amerika.
“In the spirit of transparency, it would be best for President Aquino to disclose the agreements he made with the American government,” ayon pa sa Pro-Life Philippines.
Kabilang sa lay organizations na dumalo sa pulong ay ang Knights of Columbus, Couples for Christ-Foundation for Family and Life, Couples of Christ, Ang Kapatiran, kinatawan ng Episcopal Commission on Family and Life at pastor mula sa Bangon Pilipinas Movement.
PNoy `di natinag sa excommunication
Samantala, hindi natinag si Pangulong Aquino sa bantang excommunication sa kanya ng isang opisyal ng Simbahang Katoliko sa oras na ituloy umano ang pagpapamudmod ng contraceptives sa publiko.
Bilang sagot sa banta ni Bishop Nereo Odchimar ng Tandag, Surigao del Sur, sinabi ni Aquino na malinis ang kanyang konsensya at hindi nagbabago ang posisyon na kailangang impormahan ng pamahalaan ang bawat pamilyang Filipino sa isyu ng birth control at igalang kung anuman ang pasya ng mga ito partikular kung artificial o natural method man ang gusto ng mga ito.
“We are all guided by our consciences. My position has not changed. The state’s duty is to educate our families as to their responsibilities and to respect their decisions if they are in conformity to our laws,” ani Aquino.
abante