Tiniyak ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na mayroong mananagot sa madugong hostage crisis noong Lunes.
Ang garantiya ay isinatinig ni Aquino sa kanyang speech sa isinagawang groundbreaking ceremony sa Rizal Technological University Education and Law Center sa Mandaluyong City kahapon.
Malalaman umano kung sino ang mga pananagutin sa oras na matapos ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) ang isinasagawang imbestigasyon sa mga pangyayari na ikinamatay ng walong Hong Kong nationals.
Aminado ang Pangulo na may mga pagkukulang sa paghawak ng naturang insidente, partikular ang kakulangan sa kaalaman at kakayahan ng kapulisan. Sinabi rin ng Chief Executive na tanggap niya ang mga batikos dahil ganoon umano talaga ang buhay.
“Hindi na dapat maulit ang nangyari doon, lalo na ‘yung kaalaman at kakayahan ay dapat nandoon na noong araw na ‘yun. May mga nagkulang, may mga magbabayad po,” pahayag ng Pangulo.
Gayunpaman, nagpahayag ng positibong pananaw ang Pangulo sa negatibong pangyayaring ito na inaming magpapatamlay sa industriya ng turismo sa bansa.
Nangako rin ang Punong Ehekutibo na sa susunod na dalawang linggo ay makakakita na ang bayan ng pagbabago sa kapasidad ng militar at pulisya ngunit kung paano ay hindi na nito pinalawig ang tinuran.
“It will impact negatively well..I believe that both the AFP and PNP will be demonstrating their real capabilities within about two weeks time, to include even maritime rescue operations. . I believe given enough time we would be able to recover,” puno ng pag-asang sambit ng Pangulo.
source:abante