Problema sa pera at pagba-budget ang unang kunsumisyong iniinda ngayon ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III matapos ang unang 100 araw sa Malacañang.
Kahapon ay sinita ng Pangulo ang napakataas na P150 milyong dagdag na budget sa orihinal na alokasyon sa opisina ni Sec. Ricky Carandang ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office para sa susunod na taon.
“Hindi yata tama ang request niya (Carandang) for an increase in budget. The P200 million seems to be too high,” ani Aquino sa isang ambush interview kahapon sa Araneta Coliseum kung saan keynote speaker siya ng 10th National Cooperative Summit.
Bukod sa pinasinungalingan ito ng kalihim ay nakapagpaliwanag na rin umano si Carandang kung bakit may sumingaw na ganitong impormasyon.
Una nang nabulaga ang Malacañang sa ulat na bumabaha ng pondo sa Kamara ngayon at ang dating P70 milyong pork barrel ng mga kongresista ay halos dumoble pa, imbes na tapyasan gaya ng orihinal na plano, samantalang may ilan naman na ni hindi nabiyayaan ng pondo.
Nilinaw kahapon ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga na hindi parte ng pork barrel ang pinaghati-hating pondo sa idinaos na all-party caucus kundi pondo talaga ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para ikalat sa bawat distrito sa buong bansa para matiyak na mapopondohan ang lahat ng infrastructure projects nito.
ABANTE TONITE