MANILA, Philippines - Tiwala ang tinatayang higit sa 130,000 runners na sumali sa “10.10.10 Run for the Pasig River” na nabura na nila ang lumang rekord sa pinakamaraming bilang na lumahok sa isang fun run sa Guinness Book of World Records.
Ayon sa event organizer na ABS-CBN, umaabot sa 150,000 runners ang nagparehistro sa naturang event ngunit inaasahan na nasa higit 131,000 ang aktuwal na nagpartisipa.
Sapat na ang naturang bilang upang burahin ang lumang rekord na 110,000 runners na lumahok sa “Bay to Breakers race” sa San Francisco, California noon pang taong 1998.
Nabatid naman na may kinatawan ng Guinness na nag-obserba sa naturang fun run kung saan isasailalim muna sa masusing “auditing” ang bilang ng mga tumakbo at nakatapos sa “finish line” bago makumpirma kung mabubura ang rekord.
Nasa 1,750 pulis naman buhat sa NCRPO ang nagbigay seguridad sa mga lugar na pinagdausan ng event. Dakong alas-4:15 ng madaling arauw nang mag-umpisa ang 21K run sa may Riverbanks, Marikina City; 5:45 ng umaga ang 10K sa Ayala Avenue sa Makati City; 5k sa Star City sa Pasay at 3K run sa SM Mall of Asia.
Tinataya namang nasa 175,000 ang “crowd estimate” ng NCRPO sa naturang event kabilang na ang mga nagpartisipa sa pagtakbo at mga nanood.
Tuwang-tuwa naman ang mga manunood sa pagtakbo ni boxing champ Manny Pacquiao na lumahok sa 10K run at tinapos ito ng walang pahinga. Tumakbo rin sina dating Pangulong Fidel Ramos at Ming Ramos sa 5K; ABS-CBN chief executive officer Gabby Lopez sa 21K; El Shaddai evangelist Bro. Mike Velarde sa 5K.
Ang mga nanalo sa events ay sina Richard Salona at Leaser Pedrina sa 3K run; Mervin Guarte at Leann Baracena sa 5K; Alquisa Bolivar at Darleen Jamil sa 10K.
Tinatayang nakalikom ang organizers ng mula P10-P12 milyong pondo na hahatiin sa pagtatayo ng “Calauan resettlement site sa Laguna” at paglilinis ng Ilog Pasig
by phil star